Monday, March 28, 2005

Sleeping Habit

Matatawag bang talent kung ikaw ay walang problema sa pagkuha ng tulog? Ako kasi ay hindi nahihirapan. Halos kahit saan, kahit anong posisyon at kahit anong kondisyon, basta pwede kong ipikit ang mga mata ko ay ok na sa akin.

Nakahiga, nakaupo o nakadapa ay makakatulog ako. May unan o wala ay makakatulog ako. Kama, banig, papag, duyan, upuan, sofa, sahig, karton ay makakatulog ako. Nakabukas man o nakapatay ang ilaw ay makakatulog ako. Maingay o tahimik ay makakatulog ako. Maginaw o mainit ay makakatulog ako. May kasamang humihilik o wala ay makakatulog ako. Nasa bus, jeep, taxi ay makakatulog ako.

Medyo mababaw nga lang ang tulog ko. Isang kalabit lang sa akin ay magigising na ako. Merong iba sa atin na pagkagising ay di mo makausap ng maayos at kung minsan naman ay galit pa. Kung gigising nyo man ako ay wala kayong ipangangamba kasi pwede na agad akong kausapin at hindi ako mangangagat.

Talent din ba yung magising sa oras ng kahit walang alarm clock? Para kasing may built-in ako na pag sinabi ko sa sarili ko na kailangan kong gumising ng ganitong oras ay nagigising naman ako. Syempre as a precaution, I also set the alarm clock in my cellphone. Pero there are many times na mas nauuna pa akong magising kaysa sa alarm clock.

Isang bagay lang ang hindi magpapatulog sa akin, masakit na ulo. Kaya ko pang tiisin ang sakit ng ngipin, sakit ng tyan o kahit ng buong katawan. Pero masakit na ulo lang ang hindi ko kaya. Talagang kahit anong pilit kong matulog ay hirap ako. Kailangan muna akong uminom ng painkiller bago matulog.

Pero kung ok naman ang lahat ay eto ang ideal sleeping habit ko. Syempre, may kamang malambot, dalawang unan, isa para sa ulunan at isa para yakapin. May kumot na nakareserba, in case na biglang lumamig o kaya naman ay kung maraming lamok. May electric fan na nasa number 1 at naka-steady lang. Tahimik at nakapatay lahat ng ilaw.

At dahil puro tulog ang pinagsasabi ko ay inaantok tuloy ako!!!

No comments: