Hindi ko alam kung ano ang nakapaligid sa akin pero bakit kaya mahilig akong lapitan ng mga eccentric na tao. Halimbawa na lang ay itong barbero ko. Unang pasok ko pa lang sa barberya ay alam ko na agad na ito ang magiging barbero ko. Wala naman akong mairereklamo sa end result ng gupit nya dahil malinis at maganda ang pagkakagupit. Ok rin sya sa mga extra added service tulad ng hot towel at masahe. Isa nga sya sa mga binibigyan ko ng tip na above sa 15% tip limit. Iikot ang kwento ko sa paraan ng kanyang paggugupit.
Eccentric Cutting Technique 1
Flat top ang nakahiligan kong gupit. Madaling ayusin at komportable lalo na pag mainit ang panahon. Before na sya ang maging barbero ko, twenty minutes lang ang gupit ko. Tama lang yon kasi konting electric shave sa side, konting trim ng gunting at konting shave ay tapos na. Pero sa kanya ko lang na-experience ang flat top na tumatagal ng isang oras. Napaka-metikoloso nya!!! Para syang meron obsessive compulsion. Twenty minutes na electic shaver at trimming sa right side. Tapos another twenty minutes naman sa left side. Ten minutes na shaving at another ten minutes for finishing touch. Biruin mo, sampung minuto na ahit!!! Eh hindi naman ako balbon!!! Nagsimula at natapos ang TV Patrol ay hindi pa tapos ang gupit ko!!!
Eccentric Cutting Technique 2
Pero kahit na ganyan ay bumalik pa rin ako sa kanya. Ok lang sa akin ang maghintay ng isang oras kung maganda naman ang resulta. Eh di bumalik na nga uli ako para sa isa na namang session. Umupo na ako tapos sabi ko yung dati uling gupit. Tumingin sya sa buhok ko tapos may kinuha sya sa kabinet nya. Ruler. Sabi ko sa loob ko, "Para saan yung ruler?" Nagulat ako ng sinukat nya yung hibla ng buhok ko. Napakunot ako ng noo kasi talagang ngayon ko lang nakita yung ganon. Pagkatapos nyang sukatin ay sinabi nya sa akin, "Sir, masyado pa pong maaga para sa gupit. Balik na lang po kayo next week" ANO!!! Tinanong kung bakit. "Eh sir, masisira po yung contour ng gupit" Isa na namang ANO!!! Contour!!! Nasa barberya ba ako? Anong contour? Eh di syempre nagdahilan ako na gusto ko ngayon na magpagupit. Aba, tumanggi sya na gupitan ako. Baka naman hindi barberya itong napasukan ko. Barbero, ayaw maggupit!!! Since hindi ko talaga mapilit ay umalis na lang ako at naghanap ng ibang shop para magpagupit. Wrong move pala yung ginawa ko dahil meron pala syang eccentric cutting technique 3
Eccentric Cutting Technique 3
Nagpagupit na lang ako ng flat top sa ibang shop. Nairaos din yung gupit at after some time ay oras na naman para sa isang session. Talagang mahaba na yung buhok kasi hindi na sya pormang flat top. Siguro naman gugupitan na nya ako. Pag pasok ko sa shop (tiningnan ko muna kung barber shop talaga yung napasukan ko) tumingin sya sa buhok ko at medyo napapailing, "Sir, nagpagupit po ba kayo sa iba?". Tumango naman ako. "Sige, sir, upo na kayo at aayusin natin yung mga mali nila" Anong mali? Nasaan yung mali? Pareho naman flat top yung gupit ko. Imbes na gupitan agad ako, naglinis pa muna sya ng gamit. Nilagyan ng oil yung shaver, hinasa yung gunting at pinalitan yung razor. Medyo kinabahan nga ako kasi nagsuot sya ng rubber gloves. Parang ooperahan yata ako. At ang dating isang oras ay naging isang oras at kalahati!!!
Haaay... dahil sa katigasan ng ulo ko ay napatagal pa tuloy ako. Pagkatapos nyan ay naging masunurin na ako. Pag sinabi nyang hindi pa pwede ay hindi pa pwede. Pag sinabi nyang masisira yung contour at quality ng buhok ay sumunod ka na lang. Hindi ka naman kasi pwedeng makipagtalo sa kanya kasi hawak nya yung gunting. Baka pati tenga ko kasamang walisin sa sahig.
No comments:
Post a Comment